AWAT NA SA MAALAT

  • Isang kutsaritang asin lang o mas konti pa dapat sa isang araw
  • 1 tsp salt = 6 g NaCl (sodium chloride)
  • 1 tsp salt = 2.4 g Na (sodium)

01

Bawasan o iwasan ang paggamit ng asin, toyo, patis o bagoong sa pagluluto ng pagkain. 

Subukang gumamit ng spices, herbs, lemon, bawang, luya, suka.

02

Basahin kung “low salt” ang nakasulat sa pakete ng pagkain.

Masanay na magbasa ng label ng pagkain. Subukang gawin ito sa susunod na pagpunta sa grocery. Low salt na maituturing kung 0.3 g salt o 0.1 g sodium o mas mababa pa ang laman sa bawat 100 g ng pagkain. Kung sa label ay 400 mg pataas ang sodium ay “high sodium” ang pagkaing ito, at huwag tangkilikin. Awat na sa maalat!

03

Alisin sa hapag kainan ang lalagyan ng asin (salt shaker), toyo, patis o bagoong.

 Huwag na ring maglagay ng lalagyan ng sawsawan. Dapat sana ay tama na sa panlasa ang nalutong pagkain, at hindi na kailangang magdagdag ng patis o toyo habang kumakain. Kalaunan, masasanay din ang panlasa sa mas matabang na pagkain.

04

Mas magandang magluto gamit ang mga sariwang sangkap kaysa gumamit ng mga mix na kadalasan ay mataas ang sodium.

Halimbawa, mas mataas ang sodium ng mga ready-made na pasta sauce at nakalata na sopas.

05

Huwag madalas kumain sa labas o sa mga restawran.

Mas puwede kasing timplahin o mabawasan ang alat sa pagluluto kung lutong bahay.

06

Palitan ang mga “high sodium” na pagkain ng mga pagkaing mababa ang sodium.

 Imbes na pinausukan, inasinan, o nakalatang karne tulad ng bacon, ham o sausages, palitan ito ng sariwang karne. Imbes na regular o processed cheese, cheese spread o cottage cheese, palitan ito ng cream cheese, ricotta cheese o mozarella cheese. Piliin ang unsalted na popcorn, chips at crackers. Kumain ng sariwang isda kesa mga isdang tinuyo o dinaing.

07

Bawasan ang paggamit ng ketchup, mustard at salted butter o margarine.

Puwedeng palitan ng suka, mayonnaise o unsalted na butter o margarine.

Salad ba?

Maraming pasyente ang nagsasabi na salad na lang ang kakainin nila sa gabi para makabawas sila ng timbang. Ang una kong tinatanong, anong dressing ang balak mong gamitin? Diyan kasi puwedeng masira ang pagiging healthy sana ng salad kung sobrang alat, sobrang taas ng calories o sobrang dami ng salad dressing.

Nasubukan mo na bang gumamit ng yoghurt salad dressing?

Kung ikukumpara pala, ang dalawang kutsara ng yoghurt ay 20 calories lamang samantalang ang dalawang kutsara ng sour cream ay 50 calories at 200 calories naman kung mayonnaise. Kailangan din kasing sumubok ng iba’t ibang dressing o iba’t ibang laman ng salad para hindi magsawa. Yan kasi ang laging nasasabi din ng mga pasyente – nakakasawang kumain ng salad sa katagalan. So kailangan din ng variety! Puwedeng pareparehong gulay pero iba iba ang dressing.

Puwede ring vinaigrette ang dressing (pinaghalong suka at olive oil). Pero yun na nga, hindi rin puwedeng marami dahil mataas din ang calories ng oil kung masosobrahan.

Maraming taon na ang nakalipas nung nag-order ako ng garden salad habang nasa Athens, Greece. Pag dating ng salad ay nasa isang wooden bowl ito. Para talagang pinitas pa lang ang mga gulay sa hardin at pinagkasya sa bowl. Hinanap ko kung nasaan ang dressing kasi walang kasama ang bowl. Hinahanap ko sana kung may salad dressing sa ibang lalagyan.  Ang sabi sa akin ay nasa bowl na raw at i-toss ko na lang. Vinaigrette pala ang dressing at nasa pinakailalim ng bowl. Parang pinahid nga lang doon! Pero pinagtiyagaan ko na lang i-toss at nagkasya naman mabalutan yung mga gulay kahit paano. Healthy nga talaga ang Greek garden salad!

Sa grocery nakita ko may Greek yoghurt. Sabihan po ninyo ako kapag nasubukan na ang yoghurt salad dressing!

 

Nakakasira sa pagiging healthy ng salad kung mataas ang calories ng dressing at kung sobra. Huwag lunurin ang salad sa dressing. Dapat dalawang kutsara lang.